O kabute! na naglaho sa tagtuyot,–
at sa huling patak ng ulan ay susulpot.
Taglay mong lason ay nakapangingilabot!
Sa iyong uri ika’y salot!
Ang biglang nawala…
at biglang babalik.
ni Ezra Ruth Elorde
Sabi nila paganahin ang utak, nasa iniisip lang ang nararamdaman– Torete si Aling Krung ~~
Pero bakit natotorete pa rin ako sa sinasabi ko na akin nang kinalimutan?
Wag mong sabihin at itanggi na minsan ay hindi mo natikman ang “pait-tamis” na lasa ng buhay. Hindi ito matatakasan at kung nalasahan na ay hindi madaling kalimutan. Sa pagkaka-alala ko, ako noon ay naging manhid at sunud-sunuran sa lasa nito. Mga tao at pangyayari na hindi lamang isa pero maraming pinagmulan ang muntik ikamatay ng tiwala, pananampalataya at pag-asa…. ng aking buong pagkatao.
Pinilit kong kalabanin ang “pait-tamis” na iyon, pero nilunod ako nito sa kanyang lasa. Sabi nga nila ay merong manipis na linya na naghihiwalay sa katinuan at kabaliwan. Maaaring nabaliw ako, binaliw ako ng mapalinlang na lasa ng pait-tamis na iyon. Dahil kahit na alam kong papatayin ako ng lason nito patuloy ko itong ninamnam.
Tulad ni Juan na hiniwa ang kanyang palad at pinatakan ang sugat ng dayap upang hindi makatulog sa kamandag ng awit ni Ibong Adarna, ay sinaktan ko rin ang aking sarili at ginawa ko ito upang mabuhay.
Oo nagtamo ako ng maraming sugat na hindi naging madali ang paghilom. May mga pagkakataon pa nga na kahit ang mga sugat ay tinahi na, sa tuwing aksidenteng malalasahan ang alaala ng pait-tamis ay kumikirot pa rin ang mga sugat na parang bagong hiwa muli.
Akala ko ay wala na itong katapusan, pero totoo pala na ang lahat ay hindi pang habang buhay. Ang pait-tamis na lasa ay unti-unting natabunan. Ang minsang malakas ay humina, ang minsang kalungkutan ngayon ay isa na lamang anino ng madilim na panaginip.
Halos isang taon na pala ang nakakalipas at gusto kong magdiwang mula sa pagkakaligtas. Nagpapasalamat ako sa panahon at sa mga pangyayari na naglihis sa akin mula sa ala-alang iyon.
At ngayon hindi maitatanggi na alam na alam ko pa rin ang lasa ng pait-tamis, pero tulad ng ibang lasa pangkaraniwan na lamang ito at wala ng kakaiba.
Pag sinabi niyang “Hintayin mo ako, darating ako.” maghintay ka bata. Alisin mo lahat ng pangamba at agam-agam sa iyong isipan. Dahil ang mahalaga, tumupad ka sa inyong usapan.– ~Aling Krung~